Hindi na makadaan ang mga sasakyan papasok at palabas sa Calanasan, Apayao matapos natabunan ng lupa ang bahagi ng kalsada sa Claveria-Calanasan road bunsod ng gumuhong parte ng bundok dahil sa mga pag-ulan.
Dahil dito, sinabi ni Jerson Sebastian, tagapagsalita ng Pamahalaang panlalawigan ng Apayao na isolated ang mga barangay sa Calanasan kung saan mayroong 16 pamilya ang evacuees dahil sa pagbaha.
Bagamat limang araw pa bago tuluyang malinis ang lansangan ay tiniyak ni Sebastian na sapat ang suplay ng pagkain sa lugar lalo na sa mga evacuees.
Dahil impassable, kinansela ni Governor Eleonor Bulut Begtang ang pagpunta sa Calanasan para sa anibersaryo ng kanyang yumaong ama.
Aabot naman sa kabuuang 825 pamilya o 2,537 indibidwal ang inilikas mula sa mga binahang lugar kung saan pinakamarami sa bayan ng Flora sa 400 families na sinundan ng Luna, Sta Marcela at Calanasan.
Nabatid na wala ring kuryente ang halos buong probinsya dahil sa malawakang pagbaha.