TUGUEGARAO CITY – Pormal nang idedeklara ngayong araw ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang drug-cleared municipality ang isla ng Calayan, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Captain Cherie Bartolome, hepe ng Calayan PNP na anim sa labin dalawang barangay na apektado ng illegal drugs ang naideklara nang drug cleared at drug free.
Ayon kay Bartolome, kabuuang 26 tokhang responders ang nakapagtapos ng Community Based Rehabilitation Program (CBRP).
Kaugnay nito, mula sa monitoring ng PNP sa mga tokhang responder ay wala naman umanong bumabalik sa paggamit ng droga na nadala lamang umano sa kantyaw ng barkada at curiosity.
Para madeklara na drug-cleared ang isang lugar, kailangan ay walang presenya ng pusher o user, walang pagawaan o bagsakan ng droga.
Sukatan din ang aktibong partisipasyon ng barangay at ng munisipyo sa kampanya laban sa iligal na droga kung saan aktibo rin dapat sa rehabilitation program ang mga drug surrenderee.
Kasunod nito, pinasiguro ni Bartolome na hindi titigil ang kanilang kampanya kontra iligal na droga at magpapatuloy ang kanilang sea-bourne patrol upang masiguro na hindi na babalik sa illegal na gawain ang mga tokhang responders.
Mababatid na una nang dineklara ng PDEA ang lalawigan ng Batanes sa rehiyon dos bilang unang probinsiya na drug-cleared.