Tuguegarao City- Tiniyak ng Municipal Government ng Calayan na may sapat na supply ng pagkain sa kanilang bayan matapos isailalim sa total lockdown bunsod ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong luzon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Joseph Llopis, sapat din ang mga “locally produced products” sa kanilang bayan upang masuplayan ang pagkain ang mga residente hanggang matapos ang itinakdang araw ng ECQ.
Inihayag pa nito na mahigpit din ang kanilang monitoring sa pagpasok at paglabas ng mga cargo vessels sa kanilang lugar.
Samantala, sinabi pa ni Llopis na mamamahagi din sila ng P500 na cash allowance sa mga estudyanteng nasa lungsod ng Tuguegarao na hindi nakauwi sa Calayan dahil sa umiiral na lockdown.
Giit pa ng alkalde na P3, 000 ang natatanggap ng mga mag-aaral sa ilalim ng kanilang stipend scholarship program.
Ito ay bahagi ng mandato LGU Calayan upang tulungan ang mga mag-aaral na malayo sa kanilang pamilya habang nasa ilalim ng ECQ ang buong luzon.
Nabatid na mayroong 192 na mga mag-aaral ng kolehiyo at mahigit 40 senior high school ang kasalukuyang nag-aaral ngayon sa lungsod ng Tuguegarao.