Nakapagtala na ng kaso ng COVID-19 ang isla ng Calayan sa lalawigan ng Cagayan matapos magpositibo sa virus ang isang Sangguniang Bayan member at anak nito.
Ito’y matapos ang halos isang taong COVID-free ang naturang isla.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Joseph Llopis na nagkaroon ng karamdaman ang senior citizen na SB member matapos itong mabakunahan kung kaya agad itong dinala sa pagamutan sa Tuguegarao City, kasama ang anak nito at natukoy na kapwa positibo sa COVID-19.
Naniniwala si Llopis na posibleng nahawa sa virus ang mag-ina sa kawani ng national agency na nagtungo sa isla upang maghatid ng tulong, bagamat negatibo naman aniya ang mga ito sa kanilang swab test.
Kaugnay nito, sinabi ni Llopis na kaagad isinagawa ang pangkalahatang paglilinis at disinfection ng mga pasilidad sa isla at naibukod na rin ang mga posibleng nakasalamuha ng mag-ina sa nagpapatuloy na contact tracing kahit pa negatibo ang mga ito sa virus.
Dahil dito, suspendido muna ang pagtanggap ng isla ng mga bisita mula sa mainland at maging sa National, Regional o Provincial agencies ng dalawang Linggo at ipinatutupad rin ang skeletal workforce sa LGU.