Hinimok ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang publiko na pangalagaan at pagandahin pa ang makasaysayang Callao caves na matatagpuan sa bayan ng Peñablanca kasabay ng muling pagbubukas ng itinuturing na mahalagang tourist site ng lalawigan.

Sa kanyang mensahe, sinabi ng gobernador na ang pagpapahalaga sa Callao cavea at pagpreserba nito ay hindi lamang para sa kasalukuyag henerasyon kundi sa mga susunod pa dahil sa kuwebang ito natagpuan ang ilang mga buto at ngipin ng isa sa mga sinaunang tao sa mundo na tinatawag na Homo Luzonensis.

Ipinaabot naman ni Peñablanca Vice Mayor Marilyn Taguinod ang buong suporta ng lokal na pamahalaan sa anomang programa na ikagaganda ng Callao caves

Pinasalamatan naman ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) RO2 Director Gwendolyn Bambalan ang mga nakibahagi sa pagbubukas nito na aniya ay pagpapakita ng pagkakaisa, pagkakaunawaan, at kapayapaan ng lahat.

Sinabi ni Bambalan na maituturing na isa sa pinakaunang national parks sa bansa ang Peñablanca Protected Landscape and Seascape na itinayo noong July 16, 1935 na may lawak na 192 hectares.

-- ADVERTISEMENT --

Ang muling pagbubukas ng kuweba matapos isara noong 2020 dahil sa pandemya ay napagkasunduan sa pamamagitan ng resolusyon na ginawa ng mga miyembro ng Protected Area Management Board at ng Peñablanca Protected Landscape and Seascape.

Simula Oktubre 16-27 ito ay libre sa lahat ng turista na mamamasyal sa kuweba.