Ipinag-utos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 ang pansamantalang pagsasara ng isa sa sikat na tourist destination sa Cagayan, ang Callao Cave sa Peñablanca, bilang hakbang sa pag-iingat matapos ang dalawang insidente ng pagbagsak ng mga bato sa entrada ng kweba.

Ayon kay DENR Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan, naobserbahan noong Hulyo 18 ang pagbagsak ng mga cobble-sized sediments habang noong Hulyo 25 naman ay mas malalaking bato o boulder-sized sediments na ang bumagsak.

Agad na nagpadala ng team ang DENR mula sa Protected Area Management Office, Mines and Geosciences Bureau, katuwang ang Provincial Government of Cagayan, at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Peñablanca upang siyasatin ang pinanggalingan ng pagguho.

Sa kanilang paunang assessment, lumalabas na ang insidente ay isang isolated case na dulot ng malalakas na pag-ulan sa lugar.

Sinabi ni Bambalan na hindi naman umano delikado ang nasabing insidente, subalit kailangan na magsagawa ng karagdagang pag-obserba, at kung may makikitang pagbabago sa tayo ng mga puno sa itaas ng kuweba ay ibig sabihin ay may paggalaw na ng lupa, na kailangan na matugunan para sa kaligtasan ng mga turista at maging mga residente sa lugar.

-- ADVERTISEMENT --