Opisyal nang ipinagbabawal ang anumang uri ng pangangampanya para sa halalan na gaganapin bukas, Mayo 12, simula ngayong Linggo, Mayo 11, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Kasabay nito, ipinatutupad din ang nationwide liquor ban upang masigurong magiging maayos at mapayapa ang halalan.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, dapat nang alisin ng mga kandidato ang kanilang campaign materials, kabilang na ang mga malalaking tarpaulin, dahil itinuturing na itong paglabag sa election rules.
Pinaalala rin ni Garcia na kabilang ang mga online platforms sa saklaw ng campaign ban at hindi ito ligtas sa regulasyon.
Dagdag pa ng Comelec, bawal din sa mga kandidato ang maglibot sa araw mismo ng halalan matapos bumoto, dahil maituturing itong huling hirit na pangangampanya.
Bukas, magbubukas ang mga presinto simula alas-5 ng umaga para bigyang prayoridad ang mga senior citizen, PWDs, at buntis na botante.