Ngayong araw ang pormal na pagsisimula ng panahon ng kampanyahan para sa May 12, 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), maaari nang magsimulang mangampanya ang mga kandidato para sa national positions, kabilang na sa pagka-senador at partylist group.
Magtatagal ang campaign period para sa national positions sa loob ng 90-araw o hanggang sa Mayo 10, 2025, dalawang araw bago ang election day.
Samantala, ang 45-araw naman na campaign period para sa mga tatakbo sa local position, kabilang dito ang mga miyembro ng Kongreso, provincial, city at municipal officials, ay magsisimula sa Marso 28 at magtatapos din sa Mayo 10, 2025.
Kaugnay nito, nagpaalala naman ang Comelec sa mga kandidato na hindi maaaring mangampanya sa Huwebes Santo, Abril 17, at Biyernes Santo, Abril 18, bilang pagbibigay-galang sa naturang relihiyosong okasyon.
Mahigpit din ang habilin ng Comelec sa mga kandidato na tumalima sa mga inilabas nilang gabay at panununtunan sa pangangampanya upang makaiwas sa parusa at posibleng diskuwalipikasyon sa halalan.