Nagsagawa ng aerial survey ang Tactical Operations Group ng Philippine Air Force hinggil sa nangyaring paglubog ng cargo vessel na MV Jerlyn Khatness kahapon, December 30, 2024 sa karagatang sakop ng Northern Samar.

Nabatid na mula sa Naga City, Cebu ang naturang cargo vessel na may lulang semento na patungo sana sa San Jose, Northern Samar nang lumubog dakong alas-2:30 kahapon matapos makasagupa ang malalakas na alon sa karagatan.

Sa nasabing insidente, 13 crew members ang nasagip, isa ang nasawi habang isa ang patuloy pang pinaghahahanap.

Sa ngayon, nagtutulungan ang Office of Civil Defense Eastern Visayas, Philippine Coast Guard, 505th Search and Rescue Group at Tactical Operations Group ng Philippine Air Force upang mahanap ang nawawalang crew.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamunuan ng Office of Civil Defense sa naulilang pamilya ng isang crew na nasawi sa nasabing trahedya sa karagatan.

-- ADVERTISEMENT --