TUGUEGARAO CITY- Isasailalim sa inquest proceeding ngayong araw ang dalawang nahuling suspect kabilang ang isang konsehal na sangkot umano sa pagpatay sa apat na kalalakihan sa Cagayan.
Una rito, nadiskubre ang bangkay ng apat na biktima na sina Christian Kaibigan at Joel Bolado, kapwa mula sa Batangas, Michael Eugene Romero ng Quezon City at Rommuel Quinan ng Makati City sa isang kotse sa gilid ng daan sa Brgy. Villarey, Piat na may mga tama ng baril.
Sa press conference, sinabi ni PCOL Ariel Quilang, director ng Cagayan PNP na bago ang insidente ay natukoy nila ang crime scene matapos na ipadala ng asawa ng isa sa mga biktima na si Christian ang larawan ng kanilang kinaroroonan na isang warehouse sa Brgy. Pacac Grande, Amulung.
Sinabi ni Quilang na tanging ang mag-asawa na caretaker na lang ng ang kanilang nadatnan nang pasukin nila ang warehouse.
Sa salaysay ng mag-asawa, nilinis umano nila ang crime scene o ang lugar kung saan pinagbabaril umano ang mga biktima.
Binanggit din umano ng mga testigo ang mga suspect na sina Joey Bargado, konsehal ng Amulung, Cagayan at Jojo Vergara ng Tuguegarao City at dalawang jondoes.
Sinabi ni Quilang na agad na hinuli ang dalawang suspect batay sa salaysay ng mga testigo.
Ayon kay Quilang, carnapping at double cross ang tinitignan nilang motibo sa nasabing krimen.
Sinabi ni Quilang na sangkot umano sa car dealing ang mga biktima.