Bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng langis dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan, nag-anunsyo si Ferdinand Marcos Jr. ng cash assistance at fuel subsidy para sa transport sector, magsasaka, at mangingisda.

Target ng Department of Social Welfare and Development ang P5,000 cash aid para sa 139,000 tricycle drivers sa National Capital Region simula ngayong araw, Marso 17.

Makikinabang din ang mga jeepney driver, transport network vehicle service drivers, at tricycle driver sa labas ng Metro Manila sa mga susunod na araw.

Magkakaloob ng P3,000 fuel subsidy ang gobyerno sa 26,000 magsasaka at 26,000 mangingisda, kasunod ng karagdagang P2,000 mula sa Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program sa Abril.

Target ng pamahalaan na matulungan ang pangunahing sektor sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at operasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, pinababa ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang ilang fees ng airline operations at pinaikli ng Civil Aeronautics Board ang pagsusuri ng fuel surcharge mula isang buwan hanggang 15 na araw, upang mas mabilis na ma-adjust ang airfare sa pagtaas o pagbaba ng presyo ng jet fuel.

Hinimok din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensya ng gobyerno na repasuhin ang regulasyon sa pagbibigay ng lisensya, permit, at clearance upang mabawasan ang gastusin ng publiko, habang nananatiling ipinagbabawal ang anumang fees sa pampublikong paaralan sa panahon ng graduation.

Ayon sa Pangulo, ang mga hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng gobyerno upang mapagaan ang epekto ng global oil crisis sa mamamayan at matiyak na walang maiiwan sa pagtugon sa hamong ito.