Tuguegarao City- Huli sa ikinasang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cagayan ang isang indibidwal na nagbenta ng overpriced alcohol sa Brgy. Ugac Sur, Tuguegarao City.

Kinilala ang suspek na si Roxan Piwat, 30, cashier at residente ng Sampaguita, Solana, Cagayan habang ang may-ari naman ng pharmacy ay si Vilma Ferrer.

Sa panayam kay PLT John Baligat ng CIDG Cagayan, umabot sa 320 gallons ng alcohol ang nakumpiskang ibinebenta mula sa pinagsisilbihan nitong establishmento.

Ayon sa opisyal ay ibinebenta ang mga galun-galong alcohol sa halagang P750 bawat isa habang ang SRP nito ay nasa P520 lamang.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng CIDG Cagayan ang mga nakumpiskang alcohol at isasailalim naman ang mga ito sa karagdagan pang pagsisiyasat.

-- ADVERTISEMENT --

Nahaharap naman ang suspek at ang may-ari ng establishmento sa kasong paglabag sa RA 10623 o Price Act at RA 7394 o Consumer Act of the Philippines.