TUGUEGARAO CITY- Kasalukuyan ngayon ang ginagawang pilot testing ng cashless transactions sa mga pampublikong sasakyan sa Region 2.

Sinabi ni Edward Cabase, director ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board na target nilang magamit na ang nasabing sistema sa susunod na buwan.

Ayon kay Cabase, layunin nito na hindi na magkakaroon ng transaksion sa loob ng sasakyan ang mga drivers at kundoktor sa mga pasahero bilang pag-iingat sa covid-19.

Sa nasabing sistema, gagamit ng card sa pagbabayad ng pasahe sa mga ipapatayong mga booth.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nagpaliwanag si Cabase sa paglilimita ng pagbibigay ng special permits sa mga public utility vehicles.

Sinabi ni Cabase na ito ang isa din sa kanilang konstribusyon upang matiyak na hindi maging contributory ang mga PUVs sa pagkalat ng covid-19.

Bukod dito, sinabi ni Cabase na bago sila magbigay ng special permit ay nakikipag-ugnayan muna sa mga local government units para alamin kung ilan ang kaya nilang ma-accomodate na PUV sa kanilang lugar.

Tinitiyak din nila aniya na nasusunod ang lagat ng health protocols sa mga sasakyan maging sa mga terminals.

Nabatid pa sa opisyal na 353 ang binigyan nila ng special permits na binubuo ng 382 units.

Nagbabala din si Cabase sa mga hindi sumusunod sa mga ipinapatupad na guidelines tulad na lamang ng pagbabawal ng pagkuha ng mga pasahero sa mga daan na sila ay mapapatawan ng multa.

Ayon sa kanya, dapat na sundin ang point to point system o kukuha ng pasahero sa mga terminal at ibabab din sila sa mga terminal upang mabilis ang contact tracing sakaling may pasahero na magpopositibo sa covid-19.