Posibleng sa buwan ng Marso isasagawa ang Cagayan Valley Regional Athletics Association (CaVRAA) Meet 2020 matapos pansamantalang ipinagpaliban dahil sa banta ng novel coronavirus.
Kasabay nito, sinabi ni Claire Lunas, consultant on Education ng lalawigan ng Cagayan na pinauwi na rin kaninang tanghali (February 5) ang mahigit 400 atleta ng probinsiya na nasa in-house training sa Cagayan Sports Complex.
Gayonman, sinabi ni Lunas na bagama’t wala pang petsa ay maaari namang ipagpatuloy ng mga atleta ang pagsasanay sa kanilang mga paaralan.
Una rito, pansamantalang ipinagpaliban ng Department of Education ang National Schools Press Conference (NSPC) 2020 na isasagawa sana sa Tuguegarao City sa February 17-21 at National Festival of Talents sa Ilagan City, Isabela.
Alinsunod sa DepEd Memorandum 15 series of 2020 na nagpapaliban sa lahat ng mga national at regional events ay nagdesisyon ang DepEd Region 2 na pansamantalang ipagpaliban ang CaVRAA na gaganapin sana mula Pebrero 22 hanggang 27, 2020 sa Cauayan City, Isabela.
Layon nitong mailayo sa anumang banta ng NCoV ang mga kalahok na mag-aaral sa naturang mga aktibidad at i-iskedyul na lamang sa mga susunod na buwan.