
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa gobyerno na mas palakasin ang pagpapatupad ng mga polisiya laban sa human trafficking, kasabay ng pagdiriwang ng National Day of Prayer and Awareness Against Human Trafficking (NDPAHT).
Sa isang pahayag sinabi ni CBCP Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrant and Itinerant People Chairman Bishop Socrates Mesiona na dapat unahin ng gobyerno ang pagprotekta sa dignidad ng tao sa paggawa ng mga patakaran.
Binigyang-diin din niya na marami pa ring Pilipino ang nahihikayat sa mga pekeng pangako ng trabaho at oportunidad dahil sa kahirapan, kawalan ng tahanan, limitadong edukasyon, armadong kaguluhan, kalamidad at maling paggamit ng digital platforms, na nagpalala sa kanilang kahinaan.










