TUGUEGARAO CITY-Nagpasalamat ang Cooperative Development Authority (CDA) region-2 sa Philippine Army sa tulong at serbisyo na inilalaan dahil mas napapalapit at napapadali na ang pagbuo ng kooperatiba lalo na sa mga liblib na lugar.
Ayon kay Antonio Addun Jr. ng CDA-region 2, napapasok na umano ng kanilang grupo ang mga nasa liblib na lugar katuwang ang kasundaluhan upang hikayatin ang mga mamamayan na bumuo ng kooperatiba na makatutulong sa kanilang pangkabuhayan.
Aniya, hindi kakayanin ng kanilang ahensiya na mailapit ang kanilang layunin na makatulong sa mga liblib na lugar kung wala ang hanay ng kasundaluhan.
Dagdag pa ni Addun na hindi naman umano madali ang pagbuo ng kooperaTiba dahil kailangan pang dumaan sa madaming proseso at kung sakali man na ito’y naipatayo na,patuloy parin umano ang pagsasagawa ng monitoring para masiguro na maayos at naaayon sa pamamalakad ng mga miembro.
Sa ngayon, sinabi ni Addun na sampung kooperatiba na ang naipatayo sa Cagayan at Isabela dahil sa pagtutulungan ng CDA at Philippine Army.