Aabot sa mahigit 40 ang sumasailalim sa limang araw na pagsasanay para sa Mass Casualty Management Responders Training ng pamahalaang panlungsod na kauna-unahan sa Tuguegarao City.

Ito ay binubuo ng composite team mula sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, City Health Office, Tuguegarao City People’s General Hospital, Rescue 1111, Philippine Coast Guard at Philippine Red Cross.

Ayon kay Choleng Sap ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO), layon ng pagsasanay na paigtingin ang koordinasyon ng mga responders sa paghawak ng resources at logistics sa mass casualty incident sa kalamidad o anumang sakuna.

Sinabi ni Sap na ang kaalaman at skills na kanilang matutunan sa training ay makakatulong sa kanilang pagtugon sa anumang sakuna lalo na kung marami ang maaapektuhan.

Sa pagtatapos ng training sa May 31 ay magkakaroon ng simulation exercise upang masubok ang mga natutunan ng mga kalahok.

-- ADVERTISEMENT --

Nagsisilbi namang trainors ang ibat-ibang ahensya na pinamumunuan ng Department of Health (DOH) Central Office, Cagayan Valley Center for Health Development , Southern Isabela Medical Center, Region II Trauma and Medical Center, PDRRMO Quirino at CDRRMO Cauayan.