TUGUEGARAO CITY-Humihingi ng kooperasyon ang City Disaster Risk Reduction and management Office sa publiko lalo na ang mga nakatira sa mababang lugar na lumikas na at huwag nang hintayin na tumaas ang tubig baha sa kanilang lugar.

Ayon kay Choleng Sap, head ng CDRRMO- Tuguegarao, patuloy ang pagtaas ng tubig sa Cagayan river kung kaya’t delikado ito para sa lahat ng mga residente maging sa mga rescuer.

Aniya, nabigyan na rin ng abiso ang lahat ng mga Barangay Officials na magsagawa ng pre-emptive evacuation sa kanilang mga residente na madalas bahain.

Nagdeploy na rin umano sila ng mga kapulisan sa ilang Brgy. sa lungsod dahil may mga ilang residente pa rin ang matigas ang ulo at ayaw mag-evacuate hanggat hindi nakikita ang pagtaas ng tubig sa kanilang mga tahanan.

Paliwanag ni Sap na hindi lamang sa magat Dam nanggagaling ang tubig na napupunta sa Cagayan river na nagdudulot ng pagbaha sa lungsod, sa halip ay galing din ito sa mga iba’t-ibang probinsya tulad ng Nueva Vizcaya maging sa Sierra Madre.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, nanawagan si Sap sa publiko na huwag nang hintayin na tumaas ang tubig baha bago lumikas para hindi na muling maulit ang nangyaring pagkasawi ng isang rescuer nang maranasan ang malawakang pagbaha sa probinsya nitong nakalipas na linggo.