Nagbabala ang pulisya sa publiko laban sa bagong modus na nanghihingi ng cellphone load gamit ang pangalan ni P/Col. Renell Sabaldica, director ng Cagayan Police Provincial Office.
Itoy bunsod ng mga nakalap na impormasyon ng tanggapan ng Provincial Director kaugnay sa modus ng grupo na tumatawag sa mga municipal treasurer at nagpapakilalang si Sabaldica at magpaparekomenda ng catering services para sa umanoy gagawing relief operations sa lugar bunsod ng nagdaang bagyong Maring.
Dito ay mag-oorder ang nagpakilalang opisyal ng PNP sa caterer ng 300 packs ng pagkain na nagkakahalaga ng P300 bawat isa at saka makikipagkita.
Gayunman, sa oras na aniya ng pagkikita ay magdadahilan na ang scammer na hindi makakarating kung kaya manghihingi na lamang ito ng cellphone load.
Kabilang sa mga tinawagan ng scammer ay ang municipal treasurer sa bayan ng Solana, Amulung at Rizal.
Sinabi ni Sabaldica na nakapagbigay ang caterer sa bayan ng Amulung ng P3,000 load na may P500 denominations sa scammer.
Dahil dito ay iniimbestigahan na ng pulisya ang grupo na nasa likod ng modus na sinasamantala ang pandemya o kalamidad upang makapanlamang ng kapwa.
Dagdag pa niya na huwag basta maniwala sa mga tumatawag at nagpapanggap na opisyal ng PNP at hinikayat din ang publiko na agad isumbong sa pulisya ang ganitong modus.
Nilinaw din ni Sabaldica na mahigpit nilang ipinagbabawal ang panghihingi o kahit pagtanggap ng regalo ng mga pulis.
Muling rin nagbabala si Sabaldica sa publiko sa mga modus ngayong nalalapit na ang kapaskuhan tulad ng fund raising, emergency scam, nanalo sa lotto o pa-raffle at marami pang iba.