Naglagay ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng mga signage sa tatlong pangunahing entrada ng lungsod ng Tabuk upang ipaalam sa mga dumarating na biyahero o mga turista ang ordinansa laban sa paggamit ng plastik, at upang pigilan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na plastik na produkto sa lungsod ng Tabuk Kalinga.
Ang city ordinance no.3 Series of 2021, ay nagbabawal at nagpapataw ng parusa sa paggamit ng cellophane at sando bags bilang mga packaging material, gayundin ang paggamit ng polystyrene, o mas kilala bilang Styrofoam, para sa mga food at beverage container.
Mahigpit din ang kampanya laban sa paggamit ng single-use plastics sa naturang lungsod upang matiyak na susunod ang lahat sa inilabas na ordinansa.
Nabatid na kinumpiska at sinira ang kilo-kilong sando bags at iba pang packaging material na ipinagbabawal sa ilalim ng Ordinance No. 3, Series of 2021 at nag-isyu rin ng mga citation ticket sa mga lumabag sa ordinansa.