Pinaghahandaan na ng Philippine Statistics Authority Region 2 ang roll-out ng Community-Based Monitoring System o CBMS ngayong July 15 kung saan isasabay ang mid-decade Census of Population and Housing.
Ayon kay Girme Bayucan Regional Statistical Services Officer ng ahensya na ang malaking aktibidad na ito ay nangangailangan ng masinsinan at tutok na pagkuha ng datos mula sa mga mamamayan ng rehiyon.
Umaabot sa 3,000 tauhan ang pakikilusin ng PSA-R02 na kinabibilangan ng mga enumerator, supervisor at encoders na ngayon ay kasalukuyang nagsasanay para sa tungkuling mangalap ng datos.
Matatandaan na kailangan nang isagawa ngayong taon ang CBMS dahil simula sa Enero 2025 ay basehan na ang makakalap na datos para sa mga maipapasok sa 4Ps program, at basehan din sa ibat ibang programa at istratehiya ng pamahalaan para sa mamamayan.
Sinabi ni Bayucan na pagsasabayin na ang dalawang aktibidad simula ngayong July 15 upang ma-maximize ang paggamit ng pondo.
Maliban dito, target mailabas ng PSA ang resulta ng naturang aktibidad bago magtapos ang 2024, alinsunod na rin sa atas ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tiwala naman si Bayucan na magagawa ito ng kanilang tanggapan gamit ang high-tech na kagamitan at ng information technology.