Nagpaliwanag ang pamunuan ng Cagayan Electric Cooperative (CAGELCO) I sa reklamo ng isang residente sa bayan ng Baggao hinggil sa matagal na aplikasyon nito sa pagpapakabit ng suplay ng kuryente.

Batay sa reklamo ng hindi nagpakilalang residente, Enero pa ng kasalukuyang taon ang aplikasyon nito sa koneksyon ng kuryente sa kanyang bahay subalit hanggang ngayon ay wala pang nangyayari.

Sa panayam ng Bombo Radyo, nilinaw ni Jhun Mappatao ng Cagelco I na kasabay ng pagbabago sa building code ay hinigpitan ng kooperatiba ang pagbibigay ng permit sa mga magpapakabit ng linya ng kuryente, bukod sa pagdalo sa seminar.

Ayon kay Mappatao na batay sa memorandum of agreement ng distribution utilities at mga Local Government Units, pinapayuhan ang mga bagong aplikante na kumuha ng certification permit sa munisipyo para masiguro na ligtas kabitan ng supply ng koryente ang isang gusali o bahay.

Tiniyak naman ni Mappatao na kung kompleto sa dokumento ang isang aplikante ay maikakabit ang kuryente sa loob ng pitong araw ng aplikasyon.

-- ADVERTISEMENT --