Iginiit ng Cagayan Economic Zone Authority (Ceza) na dapat na hindi sila kasama sa total ban ng Philippine offshore gaming operators (Pogos) sa bansa, kasabay ng paglilinaw na hindi ito sangkot sa katulad na negosyo.

Nanindigan si Ceza administrator Katrina Ponce Enrile na ang kanilang licensees, kabilang ang iGaming at interactive gaming support service providers, ay gumagana sa ilalim ng malinaw na framework at walang affiliation sa Pogos na nasa ilalim ng regulasyon ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor).

Una rito, sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na pag-aaralan ng Department of Justice kung saklaw ang CEZA sa Executive Order No. 74 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Subalit iginiit ni Solicitor General Menardo Guevarra na ang ban sa lahat ng Pogo operations, may lisensiya man mula sa Pagcor o hindi, ay mula sa direct order ng Pangulo bilang chief executive na pinapagana ang kontrol sa lahat ng executive agencies.

Sinabi ni Guevarra na nasa ilalim ng executive department ang CEZA at tungkulin nito na sumunod sa kautusan ng Pangulo.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag ni Enrile na ang iGaming licensees ay foreign companies na may operasyon sa labas ng bansa at pinagbabawalan sila na mag-solicit o tumanggap ng bets o pusta sa loob ng bansa.

Itinatag ang CEZA noong 1995 sa ilalim ng Republic Act No. 7922, ang batas na akda ni dating senator at ngayon ay presidential legal counsel Juan Ponce Enrile.

Saklaw ang 54,000 hectares sa Santa Ana, Cagayan, ang ecozone ay may kapangyarihan na magbigay ng lisensiya sa iba’t ibang gaming activities na independent sa Pagcor.