TUGUEGARAO CITY-Positibo umano ang tugon ng mga naninirahan sa Palaui Island sa Sta.Ana,Cagayan sa plano ng Cagayan Economic Zone Authority na na inilatag nito sa Protected Area Management Board o PAMB na paglikha ng eco-tourism sa nasabing isla.
Sinabi ni Atty. Ismael Manaligod ng Provincial Environment and Natural Resources Office o PENRO na iprinisinta ng CEZA ang kanilang plano sa isinagawang consultative meeting kasama ang DENR,LGU Sta.Ana at Palaui Environmental Protectors Association.
Ayon kay Manaligod, nangako naman ang CEZA na hindi maaapektuhan ang interes ng mga katutubo na nasa lugar sa nasabing proyekto.
Ayon sa kanya,dadaan sa masusing pag-aaral ang nasabing proyekto upang matiyak na hindi ito matulad sa nangyari sa Boracay na naabuso.
Gayonman, nilinaw ni Manaligod na ito ay plano pa lamang at dadaan pa ito sa maraming proseso bago ito maisakatuparan depende sa magiging tugon dito ng mga kinauukulan.