Nahaharap si dating Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis “Chavit Singson” ng multiple plunder at corruption complaints na inihain sa Office of the Ombudsman.

Inihain ang reklamo ng Warriors ti Narvacan, Inc., na pinamumunuan ni Atty. Estelita Cordero.

Sa tatlong pahinang plunder case, inakusahan si Singson, kasama si dating Vice Mayor Pablito Sanidad Sr. at 11 na dating mga opisyal ng Narvacan na sangkot sa pagbili ng halos 10 ektarya ng umano’y overpriced na lupa na pagmamay-ari ng Western Textile Mills, Inc.

Ayon kay Atty. Cordero, kumita umano si Singson at mga kapwa akusado ng nasa P100 million sa nasabing transaksyon, matapos na mabili ang ari-arian sa P149,961,000, mas mataas sa tunay na halaga nito na P49,987.000.

Sinabi ni Cordero na ang transaksyon, ay ginawa noong 2019 noong panahon ni Singson bilang mayor.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Cordero, nagsabwatan ang mga sangkot para makakuha ng pondo mula sa municipal treasury para sa kanilang personal na kita.

Naghain din ng kaugnay na kaso na plunder at graft ang isang grupo ng mga magsasaka at mga mangingisda laban kay Singson, na inaakusahan siya ng iligal na pag-okupa sa coastal land ng Sulvec, Ilocos Sur, kung saan nagtayo umano siya ng Santorini-style resthouse.

Kasama rin sa reklamo sina dating Philippine Tourism Authority General Manager Robert Dean Barbers, Ilocos Sur Provincial Environment and Natural Resources Officer Rosenarie Jornacion, at mga miyembro ng Narvacan Sangguniang Bayan.

Hinihiling ng Warriors ti Narvacan, Inc. sa Ombudsman na maghain ng criminal charges at ipag-utos ang pagpapakulong kay Singson at iba pang respondents.

Nanawagan din sila para sa preventive suspension ni incumbent Narvacan Mayor Edna Sanidad, na nagsilbi na councilor nang ginawa ang transakyon.