Naglunsad ang Commission on Higher Education (CHED), Teacher Education Council (TEC), at Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) ng P103 milyong scholarship program para sa mga estudyanteng kukuha ng kursong pang-edukasyon.

Sa ilalim ng Teacher Education Scholarship Program (TESP), makatatanggap ng buong scholarship ang 720 mag-aaral simula sa Academic Year 2026-2027, partikular sa mga kursong Early Childhood Education, Values Education, at Special Needs Education.

Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, layunin ng programa na makahikayat ng mas maraming mahuhusay na estudyante sa propesyon ng pagtuturo at matugunan ang kakulangan ng mga guro sa ilang espesyalisadong larangan.

Sinabi naman ni TEC Executive Director Jennie Jocson na makatutulong ang programa sa pagpuno ng kakulangan ng mga kwalipikadong guro sa basic education system.

Ang scholarship program ay nakapaloob sa Republic Act No. 11713 at magsisilbing unang hakbang upang mapalakas ang hanay ng mga guro sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --