Nakamit ng Commission on Higher Education (CHED) Region 2 ang makasaysayang tagumpay bilang kauna-unahang CHED Regional Office sa bansa na nakapasok sa AD Scientific Index 2026, isang pandaigdigang sukatan ng kahusayan at impluwensya ng mga institusyon sa larangan ng pananaliksik.

Pumuwesto ang CHED Region 2 sa ika-145 mula sa 353 institusyon sa buong Pilipinas at ikalima sa Rehiyon Dos, na nagpapakita ng lumalakas na kontribusyon ng rehiyon sa larangan ng siyensya, pananaliksik, at inobasyon.

Dahil dito, binati ni Cagayan Governor Egay Aglipay ang CHED Region 2 at tiniyak ang patuloy na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsusulong ng mas mataas na edukasyon, pananaliksik, at pagpapaunlad ng mga programang makatutulong sa kabataan at mga susunod na henerasyon.

Ayon kay Aglipay, ang pagkilalang ito ay hindi lamang tagumpay ng CHED Region 2 kundi ng buong Cagayan Valley, na patuloy na itinataguyod ang kultura ng kaalaman at akademikong kahusayan.

Binigyang-pugay rin ng gobernador ang pamunuan ng CHED Region 2 sa pangunguna ni Regional Director Dr. Julieta G. Paras at ang Research Unit sa kanilang mga hakbang upang palakasin ang kakayahan ng mga mananaliksik at ugnayan ng mga Higher Education Institutions sa rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --