Inaasahang tataas ng halos 15% ang chicken meat imports ng Pilipinas sa 2027, ayon sa United States Department of Agriculture o USDA.

Batay sa forecast ng USDA, aabot sa 780,000 metric tons ang importasyon sa susunod na taon, mula sa tinatayang 680,000 metric tons ngayong 2026.

Iniuugnay ito sa tumataas na demand mula sa food manufacturing at food service industries, kasabay ng paglaki ng populasyon at inaasahang pagbuti ng ekonomiya.

Inaasahan ding mas lalakas ang bahagi ng Brazil bilang supplier ng manok sa Pilipinas dahil sa mas mababang presyo nito kumpara sa ibang pangunahing suppliers gaya ng United States, European Union at Canada.

Samantala, maaari ring tumaas ang imports mula sa United Kingdom at Chile matapos ang mga regionalization agreement ng Department of Agriculture para sa Highly Pathogenic Avian Influenza o bird flu.

-- ADVERTISEMENT --