Hinuli ang tatlong katao kabilang ang isang chief of police sa isang checkpoint sa Oroquieta, Misamis Occidental matapos na makita sa kanilang sasakyan ang pinaniniwalaang smuggled na mga sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P500,000.

Sinabi ni Police Colonel Rhoderick Campo ng Philippine National Police Maritime Group, tinangka ng tinted na sasakyan na iwasan ang checkpoint, subalit nadiskubre ng naka-duty na pulis ang mga kontrabando na tinakpan ng kurtina.

Kinumpirma din ni Campo na isa sa mga nahuli ay hepe ng pulisya sa isang bayan sa Misamis Occidental.

Sinabi pa ni Campo na pagmamay-ari ng COP ang sasakyan, at may nakita din na baril sa loob nito.

Samantala, may nasabat din ang mga awtoridad na mga smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P15 million sa Port of Manila.

-- ADVERTISEMENT --

Ang nasabing kontrabando ay galing ng Zamboanga batay sa intelligence information.

Inaalam na ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng nasabing kontrabando.