TUGUEGARAO CITY-Pinalitan ang Chief of Police ng PNP-Lasam matapos ang nangyaring ambush nitong nakaraang linggo sa lugar na ikinasawi ng apat na indibidwal na kinabibilangan ng dalawang dating alkalde na ngayon ay miembro Sanguniang bayan at dalawang empleyado.

Ayon kay Pcol. Ariel Quilang, director ng PNP-Cagayan, ito ay parte ng kanilang administrative action at sa kabiguan ng dating COP na si PCapt. Pablo Tumbali na panatilihin ang peace and order sa nasasakupang bayan.

Kaugnay nito, itinalaga si PMajor Rey Viernes bilang bagong hepe ng PNP-Lasam na galing sa himpilan ng PNP-Baggao habang inilipat sa Cagayan provincial headquarters si Tumbali.

Tinig ni Pcol. Ariel Quilang

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa naturang pananambang sa pamamagitan ng binuong Special Investigation Task Group na pinamumunuan ni Quilang.

Ito ay para mabigyan ng hustisya sa karumal-dumal na pagpatay kina Sangunian Bayan members Marjorie Salazar at Eduardo Asuten maging ang driver na si John Ray Apil at secretary ni Salazar na si Aiza Manuel.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Quilang, ilan sa kanilang tinitignang motibo ay ang paghihiganti na hindi na idinetalye ng opisyal para hindi maunsyami ang ginagawang imbestigasyon.

Bukod dito, hindi rin tinatanggal na posibleng kagagawan ito ng mga miembro ng New People’s Army (NPA) dahil sa nakitang papel na may nakasulat na “sumampa iti NPA” Danilo Ben Command at robbery dahil sa nawawalang gamit ni Salazar

Tinitignan rin ng grupo kung kanino galing ang mga natanggap na “death threat” o pagbabanta sa buhay ni Salazar noong 2019 at 2020 dahil maari rin itong may kaugnayan sa nangyaring pagpatay.

Tinig ni Pcol. Ariel Quilang