Dinala sa ospital ang chief of staff ni Vice President Sara Duterte kaninang umaga matapos na isiwalat niya sa press conference na ililipat ang kanyang opisyal sa correctional facility mula sa Kamara kung siya kinulong matapos ma-cite for contempt.

Naka-confine ngayon si Atty. Zulieka Lopes sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City matapos ang check-up sa Veterans’ Memorial Medical Center kung saan siya dinala ng police ambulance.

Sa panayam kay Duterte sa ospital, sinabi niya na nagpasiya sila na isakay sa private ambulance si Lopez papuntang St. Luke’s.

Nagreklamo si Lopez ng hirap sa paghinga at pagsusuka at bumagsak nang isilbi ang utos ng House Blue Ribbon committee na siya ay ililipat.

Ayon kay Duterte, nang isasakay na sana si Lopez sa pribadong sasakyan para dalhin siya sa St. Luke’s kung saan siya nagpapa-check-up, may dumating na police ambulance at dinala siya sa VMMC.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Duterte na sinubukan ng pulis na pagsarhan siya ng pintuan ng ambulansiya.

Tinawag ni Duterte ang pulis na nagbabantay sa kanila na “scheming” at nagsisinungaling dahil sila umano ang nagdedesisyon sa kapalaran ng pasyente, hindi isang doktor.

Ayon sa kanya, tinatrato nila na parang isang kriminal si Lopez na may iniindang karamdaman.

Sa isang press conference, sinabi ni Lopez na tututulan niya ang kautusan ng Blue Ribbon committee na dalhin siya sa women’s correctional facility sa Mandaluyong City.

Sinabi naman ni House Blue Ribbon Chairman Joel Chua na ang plano na ilipat si Lopez sa correctional facility ay dahil siya ay ” high security risk” para sa Kamara at maging sa vice president.