Nagpahayag ng pagkadismaya ang China matapos batikusin ng Estados Unidos, United Kingdom, France at Germany ang mga operasyon ng Chinese Coast Guard sa silangang bahagi ng Taiwan, na lalo pang nagpaigting ng tensyon sa rehiyon.

Ayon sa Chinese Foreign Ministry, lehitimo umano ang mga patrol operation na isinasagawa ng kanilang coast guard sa paligid ng Taiwan at bahagi ito ng pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa karagatan.

Nauna nang nagpadala ang China ng mga barko sa silangang baybayin ng Taiwan bilang bahagi ng tinawag nitong “special maritime law-enforcement operation,” na mariing tinutulan ng Taipei.

Iginiit ng Beijing na ang hakbang ay tugon sa mga anunsyo ng Japan at Pilipinas hinggil sa usaping maritime boundaries, na ayon sa China ay may kaugnayan sa mga katubigang inaangkin nito sa paligid ng Taiwan.

Samantala, pinasalamatan ng Taiwan ang naging pahayag ng apat na bansa, at iginiit na mahalaga ang pagpapanatili ng isang rules-based international order at ang kalayaan sa paglalayag sa Taiwan Strait.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na naninindigan ang China na bahagi ng teritoryo nito ang Taiwan at ang mga katubigang nakapaligid dito, habang mariing itinatanggi ng Taipei ang anumang pag-angkin ng Beijing sa isla.