Pinalawak pa ng Pilipinas ang presensiya nito sa global market matapos ang unang shipment ng frozen durian sa China na nagkakahalaga ng P8.2 million.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), nagpadala ang kumpanya na Maylong Enterprises Corp. na nakabase sa Davao City ng 1,050 boxes ng frozen durian meat at 300 boxes ng durian paste sa Nansha District sa Guangzhou.
Ang Maylong Enterprises ang kauna-unahan na kumpanya sa bansa na nakakuha ng pag-apruba ng General Administration of Customs ng People’s Republic of China na mag-supply ng frozen durian meat at paste sa kanilang bansa.
Batay sa unang report mula sa Food and Agriculture Organization ng United Nations, ang China ang pangunahing exporter ng durian sa global market, kung saan kumokonsumo ang bansa ng 90 percent ng supply ng durian sa buong mundo.
Ayon naman sa DA, ang shipment ng durian, na kilala na king of fruits ay isang mahalagang pagkakataon para sa sektor ng agrikultura.
Ang Davao Region ang nangungunang producer ng durian sa bansa.