Binomba ng water cannon at binangga ng barko ng China Coast Guard (CCG) ang Philippine Coast Guard (PCG) vessel na BRP Datu Pagbuaya sa karagatang sakop ng Pag-asa Island nitong Linggo ng umaga.

Habang nakadaong sa paligid ng Pag-asa Island ang tatlong barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kabilang ang BRP Datu Pagbuaya, upang protektahan ang mga Pilipinong mangingisda sa ilalim ng programang “Kadiwa para sa Bagong Bayaning Mangingisda,” lumapit ang mga barko ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa mapanganib na distansya.

Dakong alas-8:15 ng umaga, pinaputukan ng water cannon ang mga barko ng BFAR, na lalo pang tumindi bandang alas-9:15 ng umaga nang direktang tamaan ng water cannon ang BRP Datu Pagbuaya. Makalipas ang ilang minuto, sinadyang banggain ng barko ng CCG na may bow number 21559 ang likurang bahagi ng barko ng PCG.

Nagresulta ito sa bahagyang pinsala sa estruktura ng barko ngunit walang naiulat na nasugatan sa mga tripulante.

Tiniyak ng PCG at BFAR ang kanilang patuloy na presensya at dedikasyon sa pagtatanggol sa karapatan at kabuhayan ng mga Pilipinong mangingisda sa Kalayaan Island Group sa kabila ng patuloy na panggigipit ng mga barkong Tsino.

-- ADVERTISEMENT --