
Iginiit ni Chinese Premier Li Qiang na higit pang tumitibay ang ugnayang pang-ekonomiya ng China at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa kabila ng tumitinding proteksiyonismo, unilateralism at mga sigalot sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa kanyang talumpati sa 29th ASEAN-China Summit sa Maynila nitong Lunes, sinabi ni Li na naging pambihira ang mga nagdaang taon para sa ugnayan ng dalawang panig, sa kabila ng mga hamong kinakaharap ng pandaigdigang kalakalan.
Ibinida rin niya ang mahigit isang trilyong dolyar na taunang halaga ng kalakalan ng China at ASEAN noong nakaraang taon, gayundin ang pinagsama-samang pamumuhunan ng dalawang panig na lumampas sa 500 bilyong dolyar.
Binigyang-diin ni Li ang paninindigan ng Beijing na pangalagaan ang multilateralism at isulong ang malayang kalakalan upang higit pang mapalawak ang oportunidad sa ekonomiya.
Hinimok din niya ang China at ASEAN na manatiling nagkakaisa at magtulungan sa gitna ng mga hamong geopolitical at pang-ekonomiya.
Samantala, inaasahang darating sa Maynila sa Martes si US President Donald Trump upang dumalo sa mga kaugnay na pagpupulong ng ASEAN Summit, sa gitna ng mga planong kilos-protesta laban sa kanyang pagbisita.
Nagtapos naman ang summit nang hindi pa napagkakasunduan ang Code of Conduct sa South China Sea na layong pamahalaan ang mga sigalot sa pinagtatalunang karagatan.










