
Inakusahan ng China ang Pilipinas ng paglalagay umano ng maraming hadlang sa paglahok nito sa ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus (ADMM-Plus) na ginanap sa Cebu.
Ayon sa tagapagsalita ng Chinese Defense Ministry, nakahadlang umano ang ilang hakbang ng Pilipinas sa kanilang paglahok at nakasira sa prinsipyo ng pagkakaisa, pagiging bukas at inklusibo ng ASEAN.
Sa naturang pulong, kinatawan ng defense attaché ng Chinese Embassy sa Pilipinas ang Beijing, habang defense chiefs naman ang ipinadala ng ilang bansa, kabilang ang United States, Japan at Australia.
Tinanggihan naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pahayag ng China at iginiit na hindi ito ang posisyon ng ASEAN.
Ayon kay Teodoro, nabigyan ng pagkakataon ang China na ihayag ang paninindigan nito sa pulong.
Patuloy ang tensiyon sa pagitan ng Manila at Beijing kaugnay ng pinagtatalunang mga teritoryo sa South China Sea.










