
Itinanggi ng China ang pangamba ng Pilipinas hinggil sa posibleng impluwensiya ng mga institusyong suportado ng Beijing sa sistema ng edukasyon sa bansa sa pamamagitan ng mga academic at cultural exchange program.
Sa isang pahayag, sinabi ng Ministry of Foreign Affairs ng China na isang “seryosong political provocation” ang naging posisyon ng Pilipinas at iginiit na puno umano ng kasinungalingan at mapanirang akusasyon ang pahayag ng pamahalaan.
Nauna nang sinabi ng Department of National Defense na kinakailangan ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga foreign state-backed academic at cultural exchange program. Binanggit ng ahensya ang national security law ng China na nag-uutos sa mga organisasyon at mamamayan nito na makipagtulungan sa mga intelligence agency ng kanilang gobyerno.
Ayon pa sa China, may ilang anti-China forces umano sa Pilipinas na gumagamit ng isyu para sa pansariling interes sa politika at upang ilihis ang usapin sa sigalot sa West Philippine Sea.
Patuloy ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa magkakasalungat na pag-aangkin sa South China Sea at sa sunod-sunod na insidente sa karagatan.










