Inihayag ng Chinese Ambassador to the Philippines na si Jing Quan na naghahanda na ang China para sa ikaapat na round ng bilateral political dialogue nito sa Pilipinas, sa gitna ng ulat tungkol sa umano’y pagtatayo ng istruktura ng China sa Bajo de Masinloc.

Ang pahayag ni Jing ay kasunod ng ulat ng maritime monitoring group na SeaLight na nagsasabing tila nagsimula na ang China sa pagtatayo ng isang istruktura sa Bajo de Masinloc, na kilala rin bilang Scarborough Shoal at Panatag Shoal.

Sa kabila nito, hindi direktang tinugon ng Chinese Embassy sa Maynila ang ulat at sa halip ay binigyang-diin ni Jing ang mga positibong pag-unlad sa relasyon ng dalawang bansa.

Ayon sa embahador, tatlong round na ng political dialogue ang naisagawa ng Pilipinas at China at kasalukuyan nang inihahanda ang ikaapat na pag-uusap.

Sinabi rin ni Jing na may mga grupong tinawag niyang “anti-China forces” na umano’y nagsisikap hadlangan ang pagpapabuti ng ugnayan ng dalawang bansa.

-- ADVERTISEMENT --

“May ilang puwersa na ayaw makita ang pagbuti ng relasyon ng Pilipinas at China at sinusubukan nilang pigilan o sirain ang positibong momentum ng aming mga pagsisikap,” ani Jing.

Ginawa niya ang pahayag sa Award for Promoting Philippines-China Understanding, kung saan kinilala ang ilang indibidwal dahil sa kanilang ambag sa pagpapalakas ng relasyon ng Pilipinas at China.

Kabilang sa mga pinarangalan si dating National Security Adviser Clarita Carlos, na nagsilbi sa unang bahagi ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nanawagan din si Jing para sa mas maraming palitan ng delegasyon, kooperasyon, at mga programang magpapalalim sa pagkakaibigan ng dalawang bansa upang matabunan ang aniya’y mga negatibong ingay na nakaaapekto sa bilateral relations.

Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang Department of Foreign Affairs kaugnay ng ulat ng SeaLight.

Sinabi naman ng Armed Forces of the Philippines at ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na patuloy pa nilang bineberipika ang naturang impormasyon.

Ang huling bilateral political dialogue sa pagitan ng Pilipinas at China ay ginanap sa Cebu noong Enero, isang araw bago ang pag-uusap ng China at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) hinggil sa Code of Conduct sa South China Sea.