
Hinimok ng China si Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro na itigil ang umano’y “provocations and theatrics” matapos batikusin ng kalihim ang posisyon ng Beijing sa West Philippine Sea.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning, nananatiling malinaw ang posisyon ng China sa 2016 South China Sea arbitration, na tinawag niyang umano’y pag-abuso ng Pilipinas sa dispute settlement mechanism ng UNCLOS.
Iginiit din ni Mao na ang Pilipinas umano ang lumabag sa UNCLOS at hinikayat si Teodoro na huwag nang gumawa ng mga hakbang na makasisira sa relasyon ng Pilipinas at China at sa katatagan sa South China Sea.
Nag-ugat ang pahayag ng China matapos sagutin ni Teodoro ang isang unsigned note na ipinasa sa kanya habang nagsasalita sa isang defense and security forum sa Seoul, South Korea.
Nakasaad umano sa papel na ilegal at walang bisa ang 2016 arbitral award sa West Philippine Sea.
Tinuligsa ni Teodoro ang ginawang pagpapasa sa kanya ng dokumento habang nagsasalita, at itinuring itong hindi paggalang sa mga host ng naturang forum.
Samantala, sinabi ng Department of Foreign Affairs na iginagalang nito ang pahayag at pananaw ni Teodoro.
Noong 2016, nagpasya ang Permanent Court of Arbitration pabor sa Pilipinas sa usapin ng maritime claims sa West Philippine Sea. Gayunman, patuloy na inaangkin ng China ang malaking bahagi ng South China Sea at nagkaroon na rin ng ilang komprontasyon sa pagitan ng mga barko ng dalawang bansa.




