Nagsagawa ng test-launch ang China ng intercontinental ballistic missile sa Pacific ocean.
Ito ang inihayag ng defense ministry ng China sa isang hindi karaniwan na anunsiyo sa pagpapakita ng Beijing sa malakas nilang militar.
Sinabi ng ministry na pinalipad ng kanilang militar ang ICBM na lulan ang dummy warhead sa himpapawid ng Pacific Ocean kaninang umaga, at posibleng bumagsak ang missile sa dagat.
Idinagdag pa ng ministry na ang test launch ay isang routine arrangement sa kanilang annual training plan.
Sinabi pa sa pahayag na ang nasabing hakbang ay naaayon sa international law at international practice at hindi naman ito patama laban sa anomang bansa o target.
Matatandaan na noong Oktubre, sinabi ng US Defense Department na gumagawa ang China ng nuclear arsenal ng mas mabilis.
Ayon sa US, mayroon ang China ng mahigit 500 operational nuclear warheads buhat noong May 2023 at posibleng aabot ito ng 1,000 sa taong 2030.