May mga indikasyon umano na nanghihimasok ang China sa nalalapit na halalan sa bansa.
Ito ang isiniwalat ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya sa pagdinig ng special panel on maritime and admiralty zone ng Senado ngayong araw na ito.
Tinanong si Malaya ni Senator Francis Tolentino, pinuno ng nasabing panel kung may naobserbahan sila na indicators na nagpapakita nang panghihimasok ng ibang bansa sa midterm elections.
Sagot ni Malaya na may mga indikasyon na may isinasagawang information operations o may Chinese state-sponsored sa bansa na nanghihimasok sa nalalapit na halalan.
Sinabi ni Malaya na ang mga indicator ay kung may inilalabas na pahayag mula sa China, pinapalakas ng “local proxies” sa ating bansa.
Inihalimbawa ni Malaya ang kasalukuyang Balikatan exercises kung saan may mababasa na narratives mula sa Beijing na ang nasabing aktibidad ay banta sa regional peace at katatagan at mababasa rin ang katulad na mga statement mula sa local proxies na umaantabay sa script mula sa Beijing.
Ayon kay Malaya, natukoy na nila ang mga nasabing local proxies na sumusunod sa mga direktiba mula sa China.