
Idineklara ng lokal na pamahalaan ng Kalayaan sa Palawan si Chinese ambassador to the Philippines Jing Quan persona non grata sa loob ng kanilang municipal jurisdiction, dahil sa paglabag umano nito sa diplomatic protocol at pakikialam sa internal affairs ng bansa.
Inaprobahan ng Sangguniang Bayan ng Kalayaan ang resolusyon sa kanilang regular session noong Enero 27.
Ang nasabing resolusyon ay akda ni Vice Mayor Maurice Alexis Albayda, kung saan kinokondena ang hindi naging magandang asal ng ambassador kamakailan.
Ayon sa konseho, hindi katanggap tanggap ang ginawa ng Chinese Embassy sa Manila na hiniling sa pamahalaan na dapat na panagutin si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela sa kanyang transparency efforts.
Ang Kalayaan ang nag-iisang munisipalidad na matatagpuan sa West Philippine Sea.
Ang sentro nito sa Pag-asa Island ang iginigiit ng pamahalaan ang sobereniya nito sa lugar.










