Posibleng kumpiskahin ng Pilipinas ang Chinese dredging vessel na sumadsad sa dalampasigan at iligal na pumasok sa bayan ng Aparri, Cagayan, kamakailan.
Kasunod ito ng ipinalabas ng Bureau of Customs na “warrant of seizure and detention” (WSD) laban sa barkong Intsik na pumasok sa Aparri nang walang dokumento at paabiso noong July 15.
Ayon kay Arienito Claveria, BOC district collector sa Port of Aparri, na pinigil ang naturang barko para matiyak na hindi ito makakaalis sa Pilipinas hanggat isinasagawa ang imbestigasyon habang nai-turn over na sa immigration ang limang chinese crew nito para sa deportation.
Dagdag pa ni Claveria, maaaring kumpiskahin at ibenta sa pamamagitan ng subasta depende sa magiging desisyon ng korte kung hindi makakabayad ang hindi pa matukoy na may-ari ng Chinese vessel sa “duties and taxes” nito kasama na ang multa sa mga paglabag na nagkakahalaga ng mahigit P2 milyon.
Ang naturang barko ay nirepresenta ng isang abugado mula Tuguegarao City sa nagpapatuloy na pagdinig ng kaso sa legal department ng BOC.