TUGEUGARAO CITY-Hinihintay na lamang umano ng mga crew ng isang Chinese dredging vessel na unang sumadsad sa bayan ng Aparri na gumanda ang panahon at i-release ng Bureau of Customs(BOC) ang kanilang dokumento na unang kinumpiska, bago tuluyang aalis sa karagatang sakop ng nasabing bayan.
Ayon kay Captain Charlie Rances, commander ng Coast Guard District Northeastern Luzon na nakabase sa Aparri, Hunyo 26, 2019 nang dumating ang barko sa nasabing lugar para magtake-shelter dahil sa sama ng panahon.
Aniya, hindi nakaalis ang limang crew ng nasabing barko nang gumanda ang panahon nitong nakalipas na buwan dahil kinumpiska umano ng BOC ang kanilang mga dokumento.
Inabutan na rin sila ng malalakas na alon at hangin na dala ng bagyong Hanna kung kaya’t nitong martes ay sumadsad ang Chinese vessel sa gilid ng dagat na bahagi ng Brgy. San Antonio.
Nasira rin umano ang anchor o angkla ng barko maging ang makina nito at nagkataon na wala ang kapitan on board kung kaya’t tuluyang sumadsad.
Sinabi ni Rances na walang laman ang naturang barko nang sumadsad ito sa nasabing lugar.
Sa ngayon,nahila na sa gitna ng dagat ang nasabing barko at kasalukuyan narin inaayos ang makina nito.
Samantala, sinabi ni Rances na hindi na nakasaad sa notice of arrival ng barko kung saan ito pupunta at ang tanging nakalagay lamang na dahilan kung bakit nasa lugar ay sheltering at hindi magsasagawa ng dredging.
Aniya, nanggaling ang nasabing barko sa Shanghai China.