Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na binuntutan ng fighter jet ng China ang kanilang eroplanong nagsasagawa ng pagpapatrolya sa Bajo de Masinloc.

Dalawang araw lamang ito mula nang mangyari ang insidente ng banggaan ng barko ng China Coast Guard at People’s Liberation Army (PLA) Navy habang hinahabol ang BRP Suluan.

Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, nangyari ang insidente kaninang umaga kung saan lumipad ang fighter jet ng China habang nagsasagawa ng maritime domain awareness flight ang PCG para tingnan ang mga mangingisdang Pinoy doon.

Tumagal ito ng dalawampung minuto kung saan nasa 200 hanggang 500 talampakan lamang ang pagitan ng dalawang sasakyang panghimpapawid.

Sabi ni Tarriela, ito ang unang pagkakataon na gumamit ng fighter jet ang China ngayong taon.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, kinumpirma rin ni Tarriela ang presensya ng dalawang barko ng United States Navy na nasa layong 102 nautical miles mula Zambales.

Bukod sa mga barko ng US, may apat na China Coast Guard vessels ding namataan ang PCG habang wala na sa bisinidad ng Bajo de Masinloc ang dalawang barkong nagbanggaan.

Sa kasagsagan din ng pagpapatrolya ng PCG Caravan aircraft, limang beses itong niradyuhan ng PLA Navy vessel 553 habang bumuntot naman ang isang PLA Navy warship sa dalawang barko ng Amerika.