Arestado ang Chinese national na umano’y manager ng ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator hub sa Porac, Pampanga sa isinilbing search warrant sa isang leisure park sa Clark city kahapon.
Ayon kay Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Police Major General Leo Francisco, nagresulta din ang pagsalakay sa naturang leisure park sa pagkakakumpiska sa 14 na safety vaults sa 5 villas na kanilang ginalugad kagabi.
Kasalukuyang na aniyang iniimbestigahan ang naturang Chinese national at tinurn-over na ito sa Presidential Anti-Organized Crime Commission para sa pagtatanong.
Ibinunyag din ni Major Francisco na ang naarestong Chinese ay isa sa big bosses sa POGO hub sa Porac. Iniimbestigahan na rin ang mas marami pang personalidad na nauugnay sa ilegal na POGO sa Porac at Bamban, Tarlac.
Mga kasong human trafficking, physical injury, at mga paglabag sa Access Devices Regulation Act ang isasampa laban sa naarestong suspek.
Inihayag din ng PNP-CIDG official na matapos ang pinaigting na pagsugpo sa mga POGO na sangkot sa mga ilegal na aktibidad, lumipat umano sa small-scale operations ang mga salarin.
Matatandaan noong Marso 2024, mahigit 800 Pilipino at mga dayuhan ang nasagip sa isinagawang raid sa POGO hub sa Bamban Tarlac na sangkot sa mga ilegal na aktibidad tulad ng crypto at love scam.
Gayundin, nagresulta sa pagkakasagip ng mahigit 100 dayuhan ang paggalugad na isinagawa ng mga awtoridad sa POGO hub sa Porac kung saan nadiskubre din ang mga ebidensiya ng panonorture at kidnapping.