Nakaligtas ang isang lalaking Chinese national na umano ay dinukot kahapon ng kanyang mga armadong kasamahan at ilang ulit siyang pinagbabaril sa Cabuyao City, Laguna.

Batay sa report ng Region 4A police, dinukot umano si “Ling” ng apat na lalaking Chinese at iniwan siya sa tabi ng kalsada sa Barangay Diezmo.

Pinagbabaril umano siya sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan bago tumakas ang mga pinaghihinalaan gamit ang sasakyan ng biktima.

Dinala ng mga pulis ang biktima sa ospital at ngayon ay nasa ligtas na kalagayan.

Iniimbestigahan na ng pulisya kung may security camera sa pinangyarihan ng insidente para sa posibleng pagkakakilanlan sa mga kidnappers.

-- ADVERTISEMENT --

Inaalam na rin ng mga awtoridad kung ano ano ang motibo sa likod ng insidente, at nagsagawa na rin ng manhunt ang pulisya laban sa mga kidnappers.