Papayagan na ng Pilipinas ang mga Chinese national na pumasok sa bansa nang walang visa sa loob ng hanggang 14 na araw simula Enero 16, ayon sa anunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes.

Ayon sa DFA, ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang kalakalan, pamumuhunan, at turismo, gayundin ang ugnayan ng mga mamamayan ng Pilipinas at China.

Sa ilalim ng bagong polisiya, maaaring mag-avail ng visa-free entry ang mga Chinese national na pupunta sa Pilipinas para sa turismo o negosyo. Gayunman, ang 14-araw na pananatili ay hindi maaaring i-extend at hindi rin maaaring i-convert sa ibang uri ng Philippine visa.

Nilinaw ng DFA na ang visa-free entry ay para lamang sa mga darating sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Metro Manila at Mactan-Cebu International Airport (MCIA) sa Cebu.

Kinakailangan ng mga Chinese traveler na magpakita ng passport na may bisa ng hindi bababa sa anim na buwan lampas sa itinakdang pananatili, kumpirmadong hotel accommodation o booking, at return o onward ticket patungo sa susunod na destinasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ng DFA, magpapatuloy ang pagsusuri sa mga derogatory record ng mga papasok na dayuhan upang matiyak ang seguridad at kaayusang pampubliko.

Ang visa-free entry arrangement ay may bisa sa loob ng isang taon at sasailalim sa review bago ang expiration nito.

Bagama’t kabilang pa rin ang China sa mga pangunahing pinanggagalingan ng turista sa Pilipinas, nakaranas ng pagbaba ng bilang ng mga dumating na Chinese visitor noong 2025. Noong nakaraang taon, karamihan sa mga dayuhang bumisita sa bansa ay mula sa South Korea, United States, at Japan.

Samantala, ang mga Pilipinong magbibiyahe patungong China ay kailangan pa ring mag-apply ng visa bago makapasok sa naturang bansa.