TUGUEGARAO CITY-Pinag-iingat ng City Health Office ng Tabuk City sa Kalinga ang publiko hinggil sa babala ng PAGASA na posibleng maapektuhan ng ashfall ang Kalinga at karatig probinsiya nito dahil sa pahilagang Luzon na direktion ng hangin mula sa Taal volcano.

Pinayuhan ni Jandel Taguiam ng CHO-Tabuk ang mga residente na makabubuting manatili sa kanilang tahanan at sumunod sa mga paalala at tagubilin ng Department of Health at ng lokal na pamahalaan upang manatiling ligtas mula sa masamang epekto ng ashfall sa kalusugan.

Aniya mas mabuting isara ang mga bintana at pintuan, magsuot ng mga proteksiyon gaya ng goggles, eye glasses at ipinayo rin sa publiko na gumamit ng basang kurtina.

Ayon sa DOH, maaaring magdulot ng pangangati ng ilong o lalamunan, ubo, bronchitis, pamumula ng mata, hirap sa paghinga, at mga problema sa balat ang pagbabad sa hanging apektado ng ash fall.

-- ADVERTISEMENT --

Maaari pang magkaroon ng sakuna sakaling bumigay ang mga bubong na apektado ng ashfall.