Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR)sa Kongreso na magpasa ng mga panukalang batas para sa decriminalization o huwag ituring na criminal offense ang libel at cyberlibel.

Ayon sa CHR, ang pagturing na criminal offense sa libel at cyberlibel ay matagal nang sumusupil sa freedom of expression, nagpapahina sa press freedom at ginagamit sa legal harassment laban sa mga mamamahayag, mga aktibista, maging sa mga ordinaryong mamamayan.

Ipinunto ng CHR na ang criminal libel provisions sa Revised Penal Code at Cybercrime Prevention Act of 2012 ay ginagamit na armas para patahimikin ang mga kritiko at pinipigil ang public discourse.

Iginiit ng CHR na ang paghihigpit sa paghahayag ay dapat na naaayon sa batas, kinakailangan, at naaayon.

Idinagdag pa ng CHR na matagal nang ipinaglalaban ng press freedom at freedom of expression advocates ang decriminalization ng libel, na tinawag nilang luma na at paglabag sa civil at political rights.

-- ADVERTISEMENT --

Inirekomenda ng CHR ang pag-amyenda sa Article 355 ng Revised Penal Code at Section 4(c)(4) ng Cybercrime Prevention Act of 2012, para tanggalin ang pagkakakulong na parusa para sa libel at cyberlibel habang pananatilihin ang civil liability para sa mapapatunayang mapanirang mga pahayag.

Iminungkahi din ng CHR na sumailalim sa pagsasanay sa human rights-based approach sa mga kaso ng defamation ang mga hukom, mga piskalya, at law enforcement officers.

Iginiit ng CHR na dapat na maprotektahan ang media workers, social advocates at human rights defenders mula sa legal harassment at paghihiganti sa pamamagitan ng pagsasampa ng kasong cyberlibel.